Nagpaliwanag ang Cambodia sa pag-apela sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN na huwag banggitin sa inilabas nilang communique ang desisyon ng International Tribunal na nagbabasura sa nine-dash line ng China sa South China Sea.
Ayon kay Chum Sounry, Spokesman ng Foreign Ministry ng Cambodia, hiniling lamang nila sa ASEAN ministers na huwag gumamit ng mga salita na puwedeng makapagpalala ng tensyon sa pagitan ng China at ng Pilipinas.
Ang isyu anya na dinesisyunan ng International Tribunal ay para lamang sa Pilipinas at sa China kayat hindi dapat makaladkad dito ang ASEAN at maging ang Cambodia.
Tinawag na insulto ni Sounry ang mga kritisismo na nabili ng China ang kanilang suporta nang bigyan sila ng 600 million dollar loan, isang linggo bago ang ASEAN meeting.
Maliban dito, pumayag rin naman anya si Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay na huwag nang banggitin ang isyu sa communique.
By Len Aguirre