Nanindigan ang Malakaniyang na hindi ginamit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang online firm na Cambridge Analytica kampaniya nuong nakalipas na 2016 Presidential Elections.
Ito’y makaraang i-ugnay ang naturang online firm sa pagnanakaw ng ilang personal na impormasyon ng mga Facebook users upang palakasin umano ang suporta kay Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nagwagi ang Pangulo sa halalan bunsod na rin ng boto at tiwala ng labing anim na milyong Pilipino at hindi dahil sa pagbabayad sa isang consultancy firm.
Magugunitang nailathala sa isang pahayagan sa Hongkong na nakipagpulong umano nuong 2015 ang dating executive ng Cambridge Analytica na si Alex Nix kina dating National Press Club ngayo’y Presidential Task Force on Media Security Asec. Joel Egco.
Kasama rin umano sa naturang pulong ang social media strategist ni Duterte na sina dating SSS Commissioner Pompee Laviña gayundin ang dating campaign spokesman at dating nia administrator na si Peter Laviña.