Suportado si Camarines Sur 2nd district Representative LRay Villafuerte sa panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bilisan ang implementasyon ng Loss and Damage (L&D) Fund na magagamit ng mga mahihirap na bansang naaapektuhan ng climate change.
Matatandaang hinikayat ni Pangulong Marcos ang world leaders na agarang paganahin ang L&D Fund na ipinagtibay sa 2023 United Nations Climate Change Conference (COP28) kamakailan lang.
Suportado rin ni Rep. Villafuerte ang rekomendasyon ng Pangulo na gawin ang Pilipinas bilang host ng L&D Fund.
Manggagaling ang naturang pondo sa pinagsama-samang kontribusyon ng mga itinaguriang developed countries na may mataas na carbon emissions upang matulungan ang developing countries na matugunan ang mga epekto ng climate change.
Samantala, kumpiyansa naman si Rep. Villafuerte na magkakaroon ng konkretong plano ang administrasyon upang mabawasan ang paggamit ng uling, langis, at gas na siyang nakakapagpalala ng climate change.