Kapwa umapela ang mga bansang Canada at Norway sa Pilipinas para sa mabilis na pagtugis sa mga bandidong Abu Sayyaf.
Kasunod ito ng ginawang pagpugot ng ASG sa Canadian national na si John Ridsdel kamakalawa.
Ayon kina Canadian Prime Minister Justine Trudeau at Norwegian Foreign Minister Borge Brende, nakikipag-ugnayan na sila sa Pilipinas upang mapalaya ang iba pang mga bihag.
Pagtitiyak pa ni Trudeau, hindi nila tatantanan ang mga bandidong nagpapakilala na konektado sa ISIS para mabigyang hustisya ang sinapit ng kanilang kababayan.
No ransom policy
Nanindigan si Canadian Prime Minister Justin Trudeau na hindi sila magbabayad ng ransom kapalit ng kalayaan ng isa pang Canadian national na bihag pa rin ng Abu Sayyaf.
Sinabi ni Trudeau na hindi magbabayad ang Canada sa anumang paraan sa mga terorista.
Kasabay nito, ipinabatid ni Trudeau na nagkasundo sila ni British Prime Minister David Cameron na palakasin pa ang kanilang alyansa para maresolba ang nasabing usapin.
Binigyang diin ni Trudeau na kailangang maipabatid sa mga bandido na hindi maaaring pondohan ang paghahasik ng krimen at karahasan ng mga ito sa pamamagitan nang pagkuha sa mga inosenteng hostages.
Aquino’s order
Matatandaang inatasan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga awtoridad para igawad ang buong puwersa ng batas laban sa mga bandidong Abu Sayyaf.
Inihayag ito ng Malacañang makaraang kumpirmahin na ng Armed Forces of the Philippines ang ginawang pamumugot ng mga bandido sa Canadian national na si John Ridsdel.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, hindi palalampasin ng pamahalaan ang ginawang ito ng Abu Sayyaf at nangakong mananagot sila sa batas.
Kasabay nito, nagpaabot din ng pakikiramay ang Palasyo sa Canadian government dahil sa sinapit ng biktima.
By Jaymark Dagala | Judith Larino | Aileen Taliping (Patrol 23)