Natagpuang wala nang buhay sa loob ng kanyang bahay sa Lucena City ang isang 69 na taong gulang na Canadian national.
Kinilala ng City Police ang biktima na si Roland Krambeck, residente ng Welmanville Subdivision sa Barangay Bocohan.
Nakahiga umano sa sofa si Krambeck nang matagpuan ito ng kanyang kapitbahay dakong ala sais y medya nitong Huwebes.
Ayon sa mga otoridad, walang sugat o injury ang biktima at wala rin silang nakitang bagay na maaaring naging sanhi ng pagkasawi nito.
Posible umanong heart attack ang ikinamatay ni Krambeck na ayon sa kapitbahay nito ay nakararanas ng chest pain at nahihirapan din sa paghinga.
Nakatakda namang isailalim ang biktima sa post-mortem examination upang malaman kung ano ang sanhi ng pagkamatay nito.