Ipinatupad na ng Department of Health ang Cancer Assistance Fund (CAF) na layuning magbigay ng suporta para sa mga pasyenteng may Cancer at para sa mga Cancer Survivors.
Ito’y bilang bahagi ng National Integrated Cancer Control Act, alinsunod sa Special Provision 13 ng inaprubahang budget ng DOH sa ilalim ng General Appropriations Act para sa fiscal year 2022.
Ayon kay DOH-OIC Maria Rosario Vergeire, ang implementasyon ng CAF ay dapat saklaw ang mga outpatient at inpatient services, pero hindi limitado sa diagnostics, therapeutic procedures, medicines, treatment at management services at iba pang cancer care services.
Ipinatupad anya ang CAF upang umakma sa umiiral na financial support mechanisms sa pampubliko at pribadong pasilidad.
Saklaw ng CAF ang breast, childhood, gynecologic, liver, adult blood, head and neck, lung, prostate, renal at urinary bladder cancers.
Para maka-avail, kailangang magsumite ang pasyente at tagapag-alaga nito ng requirements sa mga natukoy na access site kung saan ang mga serbisyo ng CAF ay available.
Kabilang sa requirement ang mga reseta, treatment protocols at medical abstracts na dapat munang sumailalim sa pagsusuri bago ang aprubahan at mag-avail ng mga serbisyo.