Dinagsa ng libu-libong mananampalataya ang canonization rites para sa bagong santo ng simbahan na si Mother Teresa sa St. Peter’s Square sa Vatican City.
Iba’t ibang kuwento ng kababaang loob ang inalala ng ilan sa mga nakasalamuha niya mula sa kaniyang pagbisita sa iba’t ibang bansa.
Kilala si Mother Teresa na mapagkalinga sa mga tinawag na poorest of the poor nang iwan nito ang pagtuturo sa paaralan ng mga mayayaman sa Calcutta, India para samahan ang mga maralita.
Sa edad na 18, tumugon si Mother Teresa sa tawag ng Diyos na mag-madre hanggang sa maitatag nito ang missionaries of charity noong 1950.
Tumanggap din si Mother Teresa ng iba’t ibang pagkilala tulad ng Ramon Magsaysay Peace Prize noong 1962 at Nobel Peace Prize noong 1979.
For the poor
Pinapurihan ni Pope Francis si Saint Mother Teresa dahil sa paninindigan nito sa buhay at pananampalataya.
Ikinuwento ng Santo Papa sa kaniyang homily kung paano narinig ng mundo ang boses ni Mother Teresa sa pakikipaglaban para sa mga maralita at aba.
Ibinuhos ni Mother Teresa ang buo niyang buhay sa pagsisilbi sa mga mahihirap nang wala na halos matira para sa kaniyang sarili.
Hindi rin natakot si Mother Teresa na banggain ang mga makapangyarihan upang ipaalala ang mga krimeng kanilang nagawa sa sangkatauhan.
Pumanaw si Mother Teresa noong September 5, 1997 sa edad na 87 at idineklarang beata ng ngayo’y santo na rin na si Pope John Paul II noong 2003.
By Jaymark Dagala