Sisimulan na ng Kongreso sa Mayo 24 ang canvassing ng mga boto ng mga kandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo sa katatapos lang na May 9 Elections.
Uupo ang Senado at Kamara bilang National Board of Canvassers (NBOC-Congress) para sa isasagawang canvassing ng mga Certificate of Canvass mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Orihinal na itinakda ang canvassing ng Kongreso sa Mayo 23.
Gayunman, nilinaw ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na sa araw pa lamang na ito magbubukas ang kanilang sesyon at dito pa lang nila papangalanan ang pitong magiging kinatawan para sa NBOC-Congress.
May mga trabaho pa rin anya silang kailangang tapusin gaya ng pagpapatibay sa mga nakabinbing panukala sa ikatlo at huling pagbasa.
Sa panig naman ng mababang kapulungan ng Kongreso, kumpiyansa si House Speaker Lord Alan Velasco na magiging mabilis ang canvassing dahil computerized na ang proseso hindi tulad noon na mano-mano.