Nagpaliwanag ang alkalde ng Capas, Tarlac sa naging pagtutol nito na gawing quarantine zone ang New Clark City na nasa kanilang nasasakupan.
Ito’y makaraang lumabas sa mga balitaan ang pagpalag ng pamahalaang bayan ng Capas at mga residente nito sa pasya ng Department of Health (DOH) para sa mga iuuwing Pilipino mula China bunsod ng banta ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD).
Ayon kay Capas Mayor Reynaldo Catacutan, inisyal na reaksyon lamang aniya ito bilang ama ng bayan dahil sa nais niyang protektahan ang interes ng kaniyang mga kababayan.
Kasunod nito, nagpaabot ng simpatiya si Catacutan sa mga Pilipinong ni-repatriate mula China at nagpahayag ito ng kahandaan na tumulong sa abot ng kanilang makakaya habang naka-quarantine ang mga ito.