Bumaba sa 406 ang mga lugar sa bansa na isinailalim sa granular lockdown upang maawat ang pagkalat ng COVID-19 mula sa naitalang 423 kahapon.
Batay sa datos ng Philippine National Police (PNP) Command Center, ang mga lugar na inilagay sa granular lockdown ay nagmula sa 270 mga lungsod at 49 na bayan sa buong bansa.
Nangunguna ang Cordillera Administrative Region (CAR) sa may pinakamaraming lugar na isinailalim sa granular lockdown na nasa 133, sumunod naman ang MIMAROPA na may 98 at ang Ilocos Region na may 49.
Dagdag pa ng PNP na dahil dito ay nasa 6,793 kabahayan o katumbas ng 29,701 na indibidwal ang apektado ngayon ng granular lockdown.
Binabantayan ito ng nasa 324 na pulis at may 22 tauhan ng Bureau of Fire Protection katuwang ang nasa 538 na force multipliers upang matiyak na nasusunod ang ipinatutupad na patakaran sa lockdown. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)