Nag-iba na ng modus ang mga sindikato na dating sangkot sa carnapping.
Ayon kay Police Brigadier General Roberto Fajardo, hepe ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG), patuloy ang pagbaba ng insidente ng carnapping sa bansa.
Sa ngayon aniya ay nakatutok ang PNP-HPG sa bagong modus na car scam.
“Car scam nga eh kasi hindi na actually kinukuha o yung tinututukan ngayon kasi yung may-ari ngayon ito na yung scam na binibigay na yung sasakyan kasi may kontrata sila na papa-rentahan. So lumalabas na puro estafa lang yung kaso. Kaya ang ikakaso natin ay estafa ngayon, ihahabol natin pag marami implicated na para non-bailable.” Pahayag ni Brig. Gen. Fajardo.
Samantala, kumbinsido si Fajardo na isolated case lamang ang pagpatay sa Grab driver na si Maria Cristina Palanca.
Sa kabila nito, sinabi ni Fajardo na nakipag-tulungan naman sila sa Philippine National Police (PNP) upang maresolba ang kaso ni Palanca.
“Ito mukhang murder ang lumalabas eh pinatay yung tao at doon tayo nagsisimula ngayon in coordination with the local police. Meron tayong coordination din with the…kaya lang we need the family kasi we need to get the background nung tao at the same time get more details nung mga taong kasama at nakakausap niya.” Ani Brig. Gen. Fajardo.