Nakatakdang sumalang sa pagdinig ng COMELEC o Commission on Elections en banc si dating youth commissioner Ronald Cardema sa Miyerkules, Setyembre 25.
Kaugnay ito ng kanyang pag-atras sa nominasyon bilang kinatawan ng Duterte Youth Partylist.
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, kailangang ipaliwanag ni Cardema sa chairman at lahat ng commissioners ng Comelec ang mga inilahad niyang dahilan sa pagwithdraw bilang nominee ng nabanggit na partido.
Partikular aniyang dapat ipaliwanag ni Cardema ang akusasyong nakaranas ito ng harassment mula sa kanya.
“Hindi pa po na-aapproved yung withdrawal niya (Cardema). Kailangan po i-hearing muna siya kasi sinabi niya wi-withdraw daw siya dahil hina-harass ko siya at corrupt daw ako. Ipaliwanag niya yun sa amin sa isang pormal na hearing sa Wednesday. To write something like that on their oath against a commissioner, you have to take the witness stand.”
Binigyang diin naman ni Guanzon na wala nang saysay ang pag-atras ni Cardema dahil una na rin itong nadisqualify bilang nominee ng Duterte Youth Partylist.
“Sinasabi niya (Cardema) ayaw na niya tapos corrupt daw ako kasi daw hina-harass ko siya, eh disqualified siya eh. Ang dami pa niyang satsat eh ang totoo ay disqualified kasi over age siya. Paano ka magiging representative ng youth sector eh hindi na siya youth,” ani Guanzon — sa panayam ng Sapol ni Jarius Bondoc