Kumpiyansa si retired Archbishop at dating CBCP President Oscar Cruz na hindi papatulan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga panawagang pabagsakin ang administrasyon.
Ito’y makaraang mapasama ang pangalan ni Cardinal Tagle sa mga hihingan ng pagsuporta hinggil sa mga ikinakasang pagkilos laban sa administrasyon upang tutulan ang iba’t ibang usapin tulad ng extrajudicial killlings at paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Binigyang diin sa DWIZ ni Cruz na sa kanyang pagkakakilala sa Kardinal, bagama’t naririnig ng publiko ang mga batikos ni Tagle sa mga usaping moral, hindi aniya ito kailanman makikisawsaw sa mga usaping pulitikal.
Bilang alagad ng Simbahan, sinabi ng arzobispo na tungkulin nila na pangalagaan ang kapakanan ng lahat mula sa mga baluktot na sistema tulad ng pagpatay alinsunod sa aral ng Diyos.
By Jaymark Dagala | Balitang Todong Lakas