“Lakad ng mga buhay para sa buhay.”
Ito ang naging paghimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa isinagawang Walk for Life prayer rally ngayong umaga sa Quirino Grandstand.
Sa kanyang naging mensahe, sinabi ni Cardinal Tagle na gawing araw-araw ang paglalakad para ipaglaban ang buhay.
“Nakalulungkot makita, nakakaiyak na parang natural na lamang, ordinaryo ang marahas na salita, ugali, kilos. Kapag hindi tayo araw-araw naglalakad para sa buhay walang mangyayari. Gawin ninyo araw-araw ang buhay na paglalakad para sa buhay, sa ating bahay, opisina, bangketa, eskwelahan sa lahat ng sulok.”
Aniya ang isang magandang aspeto ng Walk for Life ay ang pagpapalaganap ng kultura ng hindi marahas na pagkilos o acting non-violence.
“Hindi mapupuksa ng karahasan ang kapwa karahasan, di dapat dinodoble ang karahasan, tinutumbasan dapat ito ng non-violence.”
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle
Idinagdag din ng kardinal na kung ang bawat pamilya, bawat mamamayan ay gagawa ng pagkilos-buhay ay magkakaroon ng isang lakas laban sa dahas.
“Save lives, yan ang paglakad buhay. Mga gawa ng malasakit at pag-ibig ang magliligtas sa buhay. Kung bawat isa gagawa ng kanyang makakaya ayon sa estado sa buhay, lalaganap ang pag-ibig na magliligtas sa buhay.”
Pinaalalahanan din ni Tagle ang mga Pilipino na habang naglalakad para sa buhay ay manatiling magpakumbaba at mapagmahal sa kapwa.
“Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, at patuloy mong ibigin ang iyong kapwa. Lumakad tayong nagpapakumbaba hindi mayabang, hindi galit.”
Ang Walk For Life prayer rally ay pinangunahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), civic at religious groups gayundin ang mga pro-life advocate na layuning bigyang diin ang pagtutol laban sa muling pagbuhay sa death penalty, extrajudicial killings at iba pang marahas na pagkitil sa buhay.
By Aiza Rendon | with report from Aya Yupangco (Patrol 5)
‘Walk for life’
By Rianne Briones
Libu-libong mga Katoliko ang dumalo sa Walk for life na inilarga ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Alas-4:00 ng umaga ay nagsimula nang dumagsa sa Quirino Grandstand sa Maynila ang mga mananapalataya mula sa iba’t ibang diocese, mga non-government organization at mga estudyante.
Layon ng nasabing pagtitipon na ipahayag ng Simbahang Katolika ang kanilang mariing pagtutol sa extrajudicial killings at muling pagbuhay sa death penalty.
Dumalo rin sa naturang pagtitipon sina Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, CBCP President at Lingayen Archbishop Socrates Villegas at iba pang opisyal ng CBC-Simbahan.
Present din sa lugar si Senador Leila de Lima, dating Senador Kit Tatad at iba pa.
Bukod sa Maynila, inilarga rin ang kahalintulad na aktibidad sa ilan pang lugar sa bansa.