Emosyunal na humarap sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means si Fidel Anoche Dee, ang caretaker ng warehouse sa Valenzuela City kung saan natagpuan ang nakapuslit na Bilyun-Bilyon Pisong halaga ng shabu mula sa Bureau of Customs.
Giit ni Dee sa pagdinig ng Kamara, mahirap lamang sila at sa katunaya’y benepisyaryo pa sila ng 4P’s o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng pamahalaan.
Isinalaysay ni Dee na dumating ang apat na shipment ng magkakaparehong cylinders sa kanilang warehouse nuong Hunyo ng isang taon at Enero ng taong kasalukuyan.
Marso ng taong ito aniya nang may dumating na sampung maliliit na kahon habang isang crate naman ang dumating nuong Mayo 26.
Nanindigan din si Dee na wala siyang kaalam-alam na shabu pa la ang laman ng dinalang kontrabando sa binabantayan niyang bodega ngunit ngayo’y nakakulong at nahaharap pa sa mabigat na kasong hindi naman niya ginawa.