Iniimbestigahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang barko ng Panama na nanggaling ng China at dumaong sa Port of Poro point sa La Union noong Pebrero 23.
Ito ay matapos umanong magdeklara ng mga maling impormasyon ng kapitan ng nabanggit na barko para makuha ng port clearance.
Ayon sa PCG, dumating sa Changzhou, China ang Panama Cargo Vessel na MV Harmony Six noong Pebrero 13 at umalis ng nabanggit na bansa noong Pebrero 28.
Gayunman, idineklara ng kapitan nito na si Luu Van Loi na umalis sila ng China noong Pebrero 10 para masabing pasok sa ipinatutupad na 14 day quarantine period sa lahat ng pantalan sa Pilipinas bilang hakbang kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Maliban dito, nagpatay din ng kanilang automatic identification system ang MV Harmony Six mula Pebrero 19 hanggang sa dumating ito ng bansa noong Pebrero 23.
Bunsod nito, agad na nagsagawa ng health inspection ang Bureau of Quarantine sa 18 Vietnamese at limang Indian crew ng MV Harmony Six habang isinailalim naman sa temporary detention ang barko.