Iginiit ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagdaraos ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) eletions sa darating na Disyembre.
Sa gitna na rin ito ng mga pagsusulong na muling ipagpaliban ang halaan sa barangay at SK.
Ayon kay Bishop Jose Colin Bagaforo, National Director ng Caritas Philippines ang suspensyon ng barangay at SK elections ay pangmamaliit ng national political leaders sa kahalagahan ng barangay level politics.
Hindi aniyang makatuwirang sagkaan ng gobyerno ang proseso ng eleksyon lalo na’t ang barangay at SK elections ay itinuturing na pinaka-accessible at organic form nang pakikiisa ng publiko sa serbisyo publiko at governance.
Kasabay nito, hinimok ni Father Tony Labiao, Executive Secretary ng Caritas Philippines ang gobyerno na palakasin ang kampanya para matiyak ang maayos na pagdaraos ng barangay polls sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Una nang inihayag ni House Majority Floorleader Ferdinand Martin Romualdez na mahigit walong bilyong piso ang matitipid ng gobyerno kapag ipinagpaliban ang barangay elecions ngayong taon.
Maaari aniyang magamit pa ang nasabing pondo sa COVID-19 response at economic stimulus.