Sa pagsungkit niya hindi lamang sa isa, kundi dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics, bumuhos ang mga gantimpala at insentibo para sa Filipino artistic gymnast na si Carlos Edriel Yulo.
Batay sa Republic Act No. 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act, makatatanggap si Yulo ng tumatanginting na P10 million dahil sa nakuhang gintong medalya.
Bukod pa ito sa P3 million na ipagkakaloob ng House of Representatives.
Gagawaran din siya ng Philippine Sports Commission (PSC) ng Olympic Gold Medal of Valor.
Makatatanggap naman si Yulo ng house and lot mula sa Philippine Olympic Committee; gayundin ng isang fully furnished three-bedroom condominium unit at cash bonus na nagkakahalaga ng kabuuang P35 million mula sa isang property developer.
Dagdag pa rito, nangako ang isang restaurant ng lifetime free buffet para kay Yulo, habang free baked mac for life at free food and drinks din ang inalok ng iba pang mga kainan.
Samantala, isang automotive parts store ang magbibigay kay Yulo ng libreng set ng headlights at fog lights para sa kanyang sasakyan.
Dahil sa ginawa niyang kasaysayan bilang pinakaunang Pilipino na nakakuha ng dalawang gintong medalya sa iisang Olympic event, masasabing “dasurv” ni Yulo ang patuloy na pagbuhos ng biyaya para sa kanya.
Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, dala-dala ni Yulo hindi lamang ang mga gintong medalya kundi ang tagumpay ng bawat Pilipino at ng buong bansa.