Inihayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Executive Director Guillermo Iroy Jr. Na hinihintay pa nila ang magiging report at desisyon ng Gymnastic Association of the Philippines (GAP) President na si Ms. Cynthia Carrion-Norton kung mabibigyan ng bonus o cash prize si Pinoy Artistic Gymnast Carlos Yulo.
Matatandaang nagwagi ng multiple medals si Yulo matapos sumali sa 2021 World Artistic Gymnastics Championships na ginanap sa Kitakyushu, Japan kamakailan.
Ayon sa PSC, hindi pa alam ang kabuuang halaga na matatanggap ni Yulo dahil ang nasabing kompetisyon ay discretionary lamang at hindi bahagi ng global tournaments base sa ipinatutupad na National Athletes and Coaches Benefits and Privileges Incentives Act.
Sa nasabing batas, binibigyan lamang ng rewards ang mga pinoy athletes na mananalo sa international events katulad ng Southeast Asian Games at Quadrennial Olympics at hindi umano kabilang sa listahan ang Fig Worlds pero binali ito ng PSC noong 2019 matapos makasungkit si Yulo ng gold medal sa Stuttgart kung saan binigyan si Yulo ng P1-M. —sa panulat ni Angelica Doctolero