Suportado ng Joint Task Force COVID-19 Shield ang panukalang i-ban ang pangangaroling sa papalapit na kapaskuhan ngayong umiiral pa rin ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Task Force Commander P/Ltg. Guillermo Eleazar, kanila na lamang hinihintay ang pormal na kautusan na magmumula sa Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil dito.
Bagama’t aminado si Eleazar na bahagi na ng tradisyong Pinoy tuwing pasko ang pangangaroling subalit kakaiba aniya ang sitwasyon ngayon dahil sa kalabang hindi nakikita.
Dagdag pa ni Eleazar, dahil sa new normal, maaari naman na aniyang gawin ang pangangaroling o Christmas serenade sa ibang paraan o virtually upang makaiwas na mahawaan ng virus.
Batay sa mga pag-aaral, malaki ang tsansang maipasa ang COVID-19 sa sama-samang pag-awit dahil kinakailangan nilang alisin ang facemask at naglalabas din ng aerosols ang mga mang-aawit.