Hindi pipilitin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Supreme Court acting Chief Justice Antonio Carpio na maging susunod na Punong Mahistrado kapalit ng pinatalsik na si Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Pangulong Duterte, wala siyang magagawa kung ayaw ni Carpio na maitalaga bilang susunod na Chief Justice.
Aniya, makailang ulit nang inihayag ni Carpio na hindi siya interesado sa posisyon at hindi rin nito tatanggapin ang nominasyon.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na posible pa ring maisama ang pangalan ni Carpio sa listahan ng Judicial Bar Council o JBC dahil nakasaad ito sa Saligang Batas.
Kasabay nito, iginiit ni Pangulong Duterte na kanya na lamang hihintayin ang isusumiteng shortlist ng JBC at kokonsultahin ang ibang mga kilalang abogado sa pagpili ng susunod na mahistrado.
Magugunitang, isa si Carpio sa anim na mahistrado ng Korte Suprema na bumoto kontra sa inihaing quo warranto petition ng Solicitor General na nagpatalsik naman kay Sereno sa puwesto.
—-