‘No comment’ ang tugon ni Philippine National Police (PNP) Chief Camilo Cascolan sa posibleng pagpapalawig ng kaniyang termino, matapos ang kaniyang mandatory retirement sa ika-10 ng Nobyembre.
Sinabi ni Cascolan na hindi pa sila nagkakausap ng Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kaniyang retirement, subalit susundin niya anuman ang maging pasya ng pangulo.
Kasabay nito, inihayag ni Cascolan na kuwalipikado lahat ang kaniyang ‘dream team’ para maging susunod na PNP chief.
Tiwala aniya siyang sinuman sa tinagurian niyang ‘dream team’ na kinabibilangan nina PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, PNP Deputy Chief for Operations Police Lt. Gen. Cesar Hawthorn Binag at PNP Chief of Directorial Staff Police Major General Joselito Vera Cruz, ang maging PNP chief ay itutuloy ang mga programa ng PNP.