Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Camilo Cascolan ang agarang imbestigasyon sa umano’y nangyaring police brutality at pagnanakaw na kinasasangkutan ng mga tauhan ng intelligence section ng Calamba PNP.
Base sa ulat, kabilang sa mga naatasan na magsagawa ng paglilitis ay ang Internal Affairs Service, integrity monitoring and enforcement group, criminal investigation and detection group, at ang Police Regional Office 4A.
Pinatitiyak naman ni Cascolan sa regional director ng PRO-4A ang kahandaan ng lahat ng personnel ng Calamba City Police Station na humarap sa kanyang ipinatawag ng imbestigasyon.
Umaasa naman ang Chief PNP na lalabas ang katotohanan sa kanyang ipinatawag na independent investigation at tiniyak na mananagot ang mga mapatutunayang nagkasala.
Nabatid na isang Milagros Alora ang naghain ng reklamo laban sa mga tauhan ng Calamba PNP matapos na magpanggap umano ang mga ito na mga ahente ng PDEA, at sapilitang inaresto ang kanyang anak at kasamahan nito dahil umano sa kasong drug pushing.
Hinalughog din aniya ng mga nagpakilalang PDEA agent ang kanilang bahay at kinuha ang kita ng kanilang shop, mga CCTV camera, cellphones at ang motorsiklo ng kanilang tauhan.
Kwento ni Alora, hinanapan aniya ng warrant of arrest at search warrant ang mga naghalughog sa kanilang bahay ngunit wala umano silang maipakita.
Ipinagtataka rin ng complainant kung bakit wala sa kustodiya ng PDEA ang kanyang anak na si alyas Victor bagkus naroon ito sa himpilan ng Calamba PNP.