Inatasan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior na mamahagi na ang Department of Social Welfare and Development ng cash assistance sa mga sari-sari store owners na apektado ng implementasyon ng mandated price ceiling sa bigas ngayong araw.
Batay sa report ng DSWD sa Office of the President, nakatakda ang distribusyon ng cash ayuda sa mga nagtitinda ng bigas simula ngayong Lunes Setyembre 25, hanggang Biyernes, Setyembre 29, sa tulong ng Department of Trade and Industry.
Magugunitang inatasan ng Pangulo ang ahensya na ayudahan ang mga maliliit na rice retailers na umaray dahil sa pagpapatupad ng price cap sa regular at well-milled rice sa buong bansa.
Sa ilalim ng Executive Order No. 39 ni PBBM, ipinako sa ₱41 ang presyo ng kada kilo ng regular milled rice habang ₱45 naman sa well-milled.
Nabatid na nasa 8,390 micro ang small rice retailers na target na pagkalooban ng ayuda, habang nasa mahigit anim na libo na sa mga ito ang naayudahan o katumbas ng ₱92.415-M na halagang naipamahagi ng DSWD.