Naniniwala ang ilang labor groups na dapat na magkaloob ng panibagong cash assistance ang pamahalaan para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa muling pagpapatupad ng ECQ sa NCR plus bubble.
Ayon sa Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), maraming empleyado ang nawalan ng mapagkakakitaan dahil sa panibagong ECQ implementation.
Dahil dito, iginiit ng grupo na marapat lamang na magkaroon ng cash assistance program ang gobyerno na magmumula sa national level o kaya’y sa mga lokal na pamahalaan.
Sa inilabas na datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), noong Pebrero a28, umaabot na sa 71,744 workers ang nawalan ng hanapbuhay, kungsaan ang 44,323 dito ay galing sa Metro Manila.
Una nang sinabi ng DOLE, na wala silang pondo para sa mga manggagawang maaapektuhan ng NCR plus bubble restriction, pero mayroon pa umanong P2-B na natitira mula sa tourism sector na nasa ilalim ng Bayanihan To Recover As One Act o Bayanihan 2.
Nangangahulugan ito na maaari paring mabigyan ng tig-5,000 pesos cash aid ang mahigit 400,000 employees sa Ncr lalo na’t kabilang sa mga ipinasara ngayon ang mga gym, spa, at mga salon na ikinukunsiderang mga sub-sectors ng tourism industry.
Inihayag pa ng DOLE, na para doon sa mga naapektuhan ng two-week closure, maari umano silang mag-aplay ng cash aid program na ito ng pamahalaan.
Dagdag pa ng labor dept, na malaki ang posibilidad na magkaroon din sila ng wage subsidy program para matulungan ang mga apektadong kumpanya o employer na sakop ng NCR plus bubble, na tuloy-tuloy na makapagbigay ng sweldo sa kanilang mga empleyado.