Hinamon noon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kongreso na tumulong na mabigyan ng mura at magandang klase ng bigas ang mga komunidad sa Pilipinas. At ngayon, ipinatupad na ito sa pamamagitan ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program.
Pormal na inilunsad nitong November 5, 2023 ang CARD Program sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez, kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ilang mambabatas. Sagot ang CARD Program sa hamon ni Pangulong Marcos Jr. na lumikha ng programang makapagbibigay ng rice aid sa mga mahihirap.
33 legislative districts ng National Capital Region (NCR) at dalawang lungsod ng Laguna ang unang makikinabang sa CARD Program. Bawat distrito sa NCR ay mayroong 10,000 poor and vulnerable beneficiaries. Humigit-kumulang 3,000 residents naman ang makikinabang sa Biñan at 2,000 sa Sta. Rosa, Laguna. Sa kabuuan, 335,000 Pilipino ang nakikinabang sa launching ng programang ito na hahatiin sa apat na payouts.
Kasama sa mga benepisyaryo ng CARD Program ang senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at Indigenous Peoples. Aabot sa 2,000 pesos ang makukuha nilang tulong kasama ang 25 kilong bigas na nagkakahalaga ng 950 pesos.
Ayon kay Speaker Romualdez, papairalin din ang CARD program sa natitira pang 250 congressional districts sa Pilipinas na siya namang mapakikinabangan ng 2.5 million indigent at vulnerable Filipinos.
Sinabi noon ni Pangulong Marcos Jr. sa rice distribution program noong October 6, 2023 na hangad niyang walang Pilipino ang nagugutom at naghihikahos sa bansa. Sa mga hakbang at programang ipinapatupad ng administrasyong Marcos, kagaya na lang ng Food Stamp Program, makikita ang pagsisikap niyang ma-achieve ang zero hunger sa bansa.
Ayon nga kay Special Assistant to the President Antonio Ernesto Lagdameo Jr., hindi titigil ang administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. sa pagsisilbi sa bayan at sa pagtiyak na ang lahat ng Pilipino ay kasama sa kaunlaran. Dagdag pa niya, sabay-sabay sasalubungin ang isang Bagong Pilipinas na puno ng pag-asa at mga oportunidad.