Nakatakdang ipamahagi ng Department of Labor and Employment ang ikatlong bugso ng cash assistance para sa mga manggagawa sa formal sector na apektado muling pagpapalawig ng alert level 3 sa Metro Manila na tatagal hanggang sa katapusan ng Enero.
Ayon sa DOLE, makakatanggap ng tig-P5,000 ang 200,000 manggagawa bago matapos ang buwan ng Enero.
Ang naturang ayuda ay katumbas ng isang bilyong pisong sa ilalim ng covid-19 adjustment measures program o camp ng pamahalaan.
Base sa datos ng DOLE, para sa unang anim na araw ng taon, 3,000 manggagawa na sa bansa ang nawalan ng trabaho sa mahigit 200 establisimyento makaraang magsara ang kanilang kumpanya habang ang iba naman ay na-retrench o naalis sa kanilang trabaho.
Samantala, sinabi naman ng ahensya na maglalaan din sila ng limampung milyong ayuda para sa mga nagtatrabaho sa tourism sector na naapektuhan ng mga restriction. –Sa panulat ni Angelica Doctolero