Ipapatupad ng Department of Agriculture o DA ang Cash for Cow Program para sa mga magsasakang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Secretary Francis Tolentino, Presidential Adviser on Political Affairs and designated Liason Officer ng Malakanyang sa Albay, bibilhin ng gobyerno ang mga alagang baka mula sa mga magsasaka saka ito kakatayin para maging pagkain ng evacuees.
May ulat aniyang nahihirapan ang may alagang baka na pakainin ang mga hayop kaya sa halip na magkasakit ang mga ito at mamatay ay mas mabuting pakinabangan ito ng mga inilikas na pamilya.
Bukod dito, pagkakakalooban ang naturang mga magsasaka ng mga tig-dadalawang batang baka para alagaan oras na makauwi na ang ito at maayos na ang sitwasyon ng bulkan.
Una nang ipinabatid ni Tolentino na naghahanda na ang gobyerno sa posibleng mahabang ‘evacuation’ kasunod ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Sinabi ni Tolentino na tinatantiya ng Malakanyang na tatagal pa ng mahigit isandaang (100) araw ang evacuation situation, base sa aktibidad ngayon ng Bulkang Mayon.