Muling ibabalik ng pamunuan ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) ang mga cash lanes sa kanilang expressway.
Ayon kay MPTC Chief Communication Officer Romulo Quimbo, ito’y kasabay ng aberyang idinulot ng pagpapatupad ng cashless payments sa pamamagitan ng radio-frequency identification (RFID).
Dagdag pa ni Quimbo, napag-alaman din nila na ito rin ang gusto ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na gawing dalawa ang opsyon sa pagbabayad para makaraan sa expressways.
Nauna rito, sinuspinde ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang business permit ng North Luzon Expressway (NLEX) dahilan para magkaroon ng toll holiday sa ilang toll gates sa lungsod.
Pero habang umiiral ang toll holiday, na-charge pa rin ng toll fee ang ilang motoristang dumaan sa NLEX.
Sa huli, iginiit ng MPTC, na kanilang ibabalik ang mga nakaltas o na-charge na pera ng mga motorista.