Nag-alok ng P100,000 reward ang alkalde ng San Jose del Monte sa Bulacan para sa agarang pag-aresto sa mga suspek sa pananambang kay City Engineer Rufino Gravador.
Sinabi ni Mayor Reynaldo San Pedro na nag-alok siya ng reward para patunayang wala siyang kinalaman sa nasabing ambush, taliwas sa naunang pahayag ni Councilor Romeo Agapito.
Ayon kay San Pedro, hindi niya alam kung bakit idinadawit siya sa pagpaslang kay Gravador at nag-utos na aniya siya ng imbestigasyon sa krimen.
Ibinunyag ni Agapito na posibleng may kinalaman sa krimen ang pag-testigo ni Gravador sa umano’y overpriced na city government building.
Iginiit naman ni San Pedro na hindi niya pinersonal ang pagtestigo laban sa kaniya ng city engineer.
Samantala, binubusisi na ng San Jose del Monte Police ang security camera footage nang pananambang kay City Engineer Rufino Gravador.
Ayon kay Police Supt. Rodolfo Hernandez, hindi professional ang mga suspek dahil malinaw sa CCTV na walang tinatawag na finishing move ang mga ito.
Hindi aniya nila tinapos ang biktima dahil sa pagkakaalam nila na patay na rin ito, umatras na ang mga suspek at iniwan na ang biktima.
Sinabi ni Hernandez na tinututukan na ng Cybercrime Division ng PNP ang pag-enhance sa footage para mas makita tulad nang ginamit na motor kung may plaka ito at maging build ng mga suspek.
By Judith Larino