Inaatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang lahat ng mga toll road operators na magpatupad ng full cashless transactions simula Nobyembre 2.
Batay sa nilagdaang Department Order ni Transportation Secretary Arthur Tugade, inaatasan nito ang Toll Regulatory Board (TRB) , LTFRB, at Land Transportation Office (LTO) na bumalangkas ng bagong proseso at pamamaraan para matiyak ang maayos na pagpapatupad ng cashless transactions sa mga toll expressways.
Kinakailangan din maipagbigay alam ng TRB sa mga expressway concessionaires at operators ang mga panuntunan at regulasyon sa isang daang porsyentong pagpapalit sa electronic toll collection lanes.
Dapat ding tiyakin ng TRB na makukumpleto ng mga toll concessionaires at operators ang paglalagay ng mga electronic tags o iba pang cashless system tulad RFID, automated fare collection system, at iba pa sa espressways bago ang Nobyembre 2.
Layunin ng bagong polisiya ang matiyak ang kaligtasan ng publiko mula sa nakahahawang COVID-19 dahil sa limitadong human intervention gayundin ang mababawasang mahabang pila ng mga sasakayan sa toll plaza.