Bumuo na ng mekanismo ang Philippine National Police (PNP) para maiwasan ang vote-buying gamit ang online banking o cash transfer mobile applications ngayong nalalapit na ang panahon ng Halalan.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, sinimulan na niyang makipag ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng Pamahalaan tulad ng Commission on Elections (COMELEC) hinggil dito.
Nakagawian na aniya kasi ng mga Pilipino na gawin ang kanilang transaksyon online lalo ngayong panahon ng pandemya kaya’t asahan na ring magkakaroon ng bagong mukha ang vote-buying.
Aminado ang PNP Chief na mahirap maminitor ang vote-buying sa mga panahong ito subalit tiniyak niyang ginagawa na silang hakbang para matiyak na magiging malinis at payapa ang halalan.
Umapela naman si Eleazar sa publiko na maging mapanuri at matalino sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa nang walang ibang hangarin sa bayan kundi magserbisyo at hindi para sa pansariling intertes lamang.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)