Matagumpay na nadepensahan ni WBO Bantamweight Champion John Riel Casimero ang kanyang korona matapos gibain sa pamamagitan ng split decision si Two-Division World Champion Guillermo Rigondeaux sa bakbakan ng dalawa sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California.
Sa unang bahagi ng laban ay napakiramdaman ang dalawa hanggang sa maramdaman ni Rigondeaux ang bangis ng Pinoy boxer kaya’t puro iwas na lamang ang ginawa nito na ikinadismaya ng mga manonood.
Pagsapit ng ika-walong round ay hinamon pa ni Casimero sa gitna ng ring si Rigondeaux pero panay salag at iwas lamang ang Cuban boxer hanggang sa matapos ang laban.
Dalawang hurado ang pumabor kay Casimero habang ang isa naman ay bumoto para kay Rigondeaux.
Samantala, kung tagumpay naman sa kanyang title defense si Casimero, kabaligtaran naman ang natamo ng isa pang Pinoy na si Raymond Tabugo sa undercard match matapos pabagsakin sa 5th round ni dating world champion Juan Carlos Payano.