Posibleng makalamang sa boto ng Bicol Region si Camarines Sur Representative Leni Robredo sa Vice Presidential race sa 2016 elections.
Ayon ay Professor Mon Casiple, isang political analyst, sa hanay ng mga Bicolanong Vice Presidentiables, tanging si Robredo ang mayroong solid record na nakapaglingkod sa Bicol.
Pinuna ni Casiple na bagamat naging kinatawan ng sorsogon si Senador Francis Escudero, hindi masyadong naramdaman ang presensya niya sa kanyang distrito samantalang ang iba pang Bicolanong Vice Presidentiable tulad nina Senador Gringo Honasan at Senador Antonio Trillanes ay hindi naman talaga naka-base sa Bicol.
Noong 2010 elections, umaabot sa halos 3 milyon ang bilang ng mga botante sa Bicol Region, halos 800,000 rito ay mula sa Camarines Sur na lugar ni Robredo.
Gayunman, sinabi ni Casiple na iba naman ang usapan kung boto mula sa buong Pilipinas ang pag-uusapan.
“Tingin ko nakakalamang dito si Congresswoman Leni Robredo dahil siya yung may solid record diyan eh sa Bicol yan, pero kung national pag-uusapan ibang usapan na yun, mababa, siya ang pinakamababa sa lahat in terms of awareness .” Pahayag ni Casiple.
Ro-Ro tandem
Samantala, kumbinsido din si Professor Mon Casiple na malabong makinabang si LP standard bearer Mar Roxas sa mga botong makukuha ng kanyang Vice Presidentiable na si Congresswoman Leni Robredo.
Ayon kay Casiple, ang mga botanteng Pilipino ay may kaugalian na mamili ng sarili nilang tandem at hindi yung mga nakalatag nang tandem mula sa mga partido.
Matagal na aniyang ugali ng mga botanteng Pilipino ang labo-labo kapag namili ng kandidato.
By Len Aguirre | Ratsada Balita