Bumagal ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin noong Agosto.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 3.3% ang inflation rate noong nakaraang buwan; mas mababa kumpara sa naitalang 4.4% noong nagdaang Hulyo.
Dahil dito, pasok na ang 3.6% average inflation rate mula Enero hanggang Agosto sa target ng pamahalaan na 2% hanggang 4%.
Ayon sa PSA, ang pagbaba ng inflation rate ay dulot ng mas mabagal na pagtaas ng presyo ng mga pagkain at nonalcoholic beverages na pumapalo na sa 3.9%, mula sa 6.4% noong Hulyo.
Maging ang pagtaas ng presyo ng bigas, harina at iba pang bakery products, karne, at transportasyon ay bumagal din.
Kaugnay nito, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palalawakin pa ang Kadiwa ng Pangulo program sa Visayas at Mindanao upang matiyak na mananatiling abot-kaya ang mga bilihin para sa mga Pilipino.
Samantala, umaasa naman ang Department of Agriculture (DA) na magtuloy-tuloy ang pagbagal ng galaw ng presyo ng bigas sa bansa.