Paliit na nang paliit ang kinikita ng mga tsuper ng jeep kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ito ang inihayag ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) National President Mody Floranda kaugnay sa panibagong serye ng oil price hike na ilalarga bukas.
Ayon kay Floranda, nasa P300 hanggang P400 na lamang ang arawang kita ng mga jeepney driver kumpara sa tinatayang family living wage na P1,100.
Batay anya sa mismong pag-aaral ng Ibon Foundation, dapat ay P1,133 kada araw ang kailangan ng isang pamilya para lamang matugunan ang pangangailangan sa loob ng isang araw, gaya ng pagkain.
Sa oil trading sa nakalipas na limang araw, posibleng tumaas ng 60 hanggang 80 centavos ang kada litro ng diesel habang P1.20 hanggang P1.40 sa gasolina.
Ito na ang ikatlong sunod na linggong magpapatupad ng price increase ang mga kumpanya ng langis ngayong unang buwan ng taon.