Nagsimula nang tumaas ang presyo ng mga bulaklak sa Dangwa Flower Market sa lungsod ng Maynila, ilang linggo bago ang araw ng mga puso.
Mula sa P300 kada bundle o P30 kada stem, pumalo na sa P700 ang isang bundle ng local roses habang P30 naman ang kada piraso.
Mula P100 hanggang P120, ngayon ay nasa P300 hanggang P350 na ang isang bundle ng short-stem roses.
Sumirit naman sa P1,500 ang presyo ng isang bundle ng imported roses mula sa dating P1,000 habang P100 naman ang kada piraso nito na dating nasa P80 lamang.
Nasa P800 naman mula P500 ang kada bundle ng sunflower habang pumalo sa P80 ang kada piraso nito mula sa dating P50
Mabibili naman sa halagang P300 ang kada kilo ng baby’s breath mula P150.
Ayon sa mga manininda, ang naturang pagtaas ng presyo ay dahil sa kakulangan sa suplay bunsod ng malamig na klima.
Samantala, para sa mga mamimili na nagtitipid makakabili naman ng dried flowers sa halagang P70 kada piraso habang P700 ang customized bouquet, habang ang wooden flowers ay nasa P50 kada piraso habang P500 hanggang P700 naman ang customized bouquet nito. —sa panulat ni Hannah Oledan