Sa pataas nang pataas na bilihin ngayon, sino ba naman ang aayaw sa libre, lalo na sa pagkain? Pero ang mag-ama na ito sa France, hindi naghihintay ng libreng biyaya, kundi sila mismo ang gumagawa ng paraan para makalibre pero sa maling paraan nga lang.
Kung ano ang modus ng mag-ama, eto.
Sa Toulon region sa France, libreng nakakain sa mga restaurant ang 48-anyos at 18-anyos na mag-ama sa loob na ng tatlong taon.
Nakakalibre ang mga ito hindi dahil mga endorser sila o mga kilalang personalidad, kundi dahil sila ay mga scammer na nasa isandaang beses nanloko ng mga restaurant owners.
Para hindi mahalata na mayroon silang binabalak na masama, nagpupunta raw ang mag-ama sa mga restaurant nang maganda ang ayos at bihis.
Hindi lang simpleng meal ang inoorder ng mga ito at sinasamahan pa ng starters, desserts, wine, at digestif na madalas ay umaabot ng 80-150 euros o may katumbas na mahigit 5,000-9,000 pesos.
Kapag tapos nang kumain, magbabayad daw ang tatay gamit ang isang credit card na hindi gumagana. Pagkatapos ay uutusan niya ang kaniyang anak na mag-withdraw ngunit babalik ito nang walang dalang pera.
Dahil walang pambayad, magso-sorry na lang ang tatay sa staff ng restaurant at mag-iiwan ng ID kasama ng pangako na babalik ito kinabukasan para magbayad.
Hindi rin basta-bastang nambibiktima ang dalawa dahil nagre-research pa raw ang mga ito at ginagamit ang online reviews ng mga restaurant kung saan nakikita nila na customer-friendly ang mga owner.
Ayon sa mga otoridad, matapos mag-iwan ng ID sa mga restaurant ay kumukuha na lang ng panibagong id ang tatay at dinadahilan na nawala niya raw ito.
Natapos lang ang tatlong taong pandaray na ginagawa ng mag-ama nang i-post sa social media ng isa sa mga restaurant owners na nabiktima nila ang id na iniwan nila bilang collateral.
Sa huli, umabot sa 43 restaurant owners ang nagreklamo sa mga pulis kung kaya nagsagawa ng imbestigasyon ang mga ito at pagkalipas ng ilang buwan ay naaresto rin ang mag-ama.
Ikaw, hanggang saan ang kaya mong gawin para lang makalibre ng pagkain?