Hinikayat ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Partylist ang pamahalaan na balikatin ang bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) para sa mga backyard hog raisers.
Sa isang phone interview, binigyang-diin ni AGAP Partylist Rep. Nicanor “Nick” Briones na hindi kakayanin ng mga maliliit na magbababoy ang P12,500 kada bote ng AVAC live vaccine na mayroong 50 doses.
Kaya naman, ayon kay Briones, mahalagang i-libre o i-subsidize ng gobyerno ang bakuna para sa mga ito.
Aniya, kung hindi ito gagawin ng pamahalaan ay posibleng hindi na magpabakuna ng kanilang mga alaga ang mga backyard raisers kaya’t namemeligrong kumalat pa rin ang ASF sa bansa.
Giit niya, importanteng mabakunahan kaagad ang 6.3 milyon na piglets hanggang fatteners upang masugpo ang nasabing sakit.
Kasabay nito, ipinanawagan ni Briones ang pagpapataw ng maximum suggested retail price (MSRP) sa mga imported na karneng baboy upang makabawi ang mga local producers at hindi na tumaas ang presyo nito sa bansa.
Samantala, ikinatuwa naman ni Briones ang ginawang pag-convene ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga implementing agencies ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Sa ganitong paraan, giit ni Briones, ay magiging maayos at epektibong maipatutupad ang batas laban sa mga iligal na gawain tulad ng smuggling, hoarding, profiteering, at kartel sa agricultural sector.
Una nang inanunsiyo ng Department of Agriculture (DA) na magiging available na sa merkado ang AVAC live vaccine sa Abril ngayong taon.