Nagsagawa ng noise barrage ang ilang katolikong paaralan bilang pagkontra sa parusang kamatayan at sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng extrajudicial killings sa bansa.
Sinabi ni Ateneo de Manila University President Father Jose Ramon Villarin na ipinahayag ng nasabing kilos-protesta na hindi solusyon ang parusang kamatayan sa mga krimen at kawalan ng kaayusan sa bansa.
Umaasa si Father Villarin na pakikingan ng mga senador ang kani-kanilang konsensya at boses ng lipunan.
Kaugnay nito, nanawagan din sa mga senador si dating Commission on Human Rights Chairperson Etta Rosales na ipakita ang tunay na makataong paninilbihan sa taumbayan sa pamamagitan ng pagbasura sa death penalty sa senado.
Samantala, makaraang maaprubahan ng kamara sa huling pagbasa ang death penalty bill, nanindigan si CBCP Episcopal Commission for Pastoral Care for Migrants and Itinerant People Head at Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos na hindi moral ang lahat ng ligal.
By Avee Devierte |With Report from Aya Yupangco