Kinampihan ni Cavite governor Jonvic Remulla ang kilalang pro-Duterte blogger at LGBT member na si Sass Rogando Sasot.
Kaugnay ito sa kontrobersyal na pagpatay ng ilaw at mikropono sa gitna ng talumpati ni Sasot sa graduation ng mga senior high school student ng Southern Philippines Institute of Science and Technology sa Cavite noong Biyernes.
Ginanap ang graduation sa Dasmariñas City kung saan sumasamba ang church of God (COG).
Bagaman nagpaliwanag na ang COG hinggil sa insidente, iginiit ni Remulla na dapat ay nagpakita ng habag at nagparaya na lamang ang naturang simbahan.
Hindi anya dapat gamitin ang pananampalataya bilang kalasag upang magpalaganap ng poot at pagkiling laban sa isang tao batay sa pagiging kasapi ng isang partikular na grupo.
Ipinaalala rin ng gobernador sa COG na paglabag sa Section 4 ng provincial ordinance ang diskriminasyon laban sa sinuman o anumang grupo batay sa kanilang sexual orientation at gender identity o ang mga nasa LGBT community.