Naglabas ng mga bagong guidelines si Cavite Governor Jonvic Remulla kasunod ng pagsasailalim muli sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Remulla na muling paiiralin ang quarantine pass system sa Cavite kung saan hindi ito maaaring ilipat sa iba at tanging iisang miyembro lamang ng bawat tahanan ang maaaring gumamit nito.
Pinaalalahanan din ni Remulla ang mga taga-Cavite kaugnay ng ipapataw na multa laban sa mga mahuhuling nasa labas ng bahay ng walang quarantine passes.
Sinabi ng gobernador, patuloy pa rin ang operasyon ng mga factory sa lalawigan at kinakailangan lamang magpakita ng IDs ng manggagawa nito para hindi na maabala sa mga checkpoints.
Papayagan din ang pampublikong transportasyon pero para lamang sa mga essential workers.
Dagdag ni Remulla, pahihintulutan din ang full capacity operation ng mga konstruksyon basta’t maisasailalim sa monitoring at pagpapatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), local government units at Department of Labor and Employment (DOLE).
Samantala, ipatutupad ang curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga habang nakadepende na sa pagpapasiya ng mga alkalde ang liquor ban.