Dapat munang magbitiw sa senado ni Senator Alan Peter Cayetano matapos siyang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong kalihim ng Department of Foreign Affairs o DFA.
Ayon kay Senador Chiz Escudero, hindi lubusang magagampanan ni Cayetano ang posisyon bilang kalihim ng DFA hangga’t hindi ito nagbibitiw bilang senador at hindi nakukumpirma sa Commission on Appointments (CA).
Kung hindi pa anya magbibitiw bilang mambabatas si Cayetano at nakalulusot sa CA ay ang kasalukuyang Acting Secretary pa rin ang mamumuno at mangangasiwa sa kagawaran.
Gayunman, karaniwang hinihintay muna na makumpirma sa CA bago nagbibitiw ang isang mambabatas para maiwasang mangyari na nawala na sa posisyon bilang senador hindi pa natuloy sa pagiging cabinet secretary sakaling ma-reject o di makumpirma sa komisyon.
Bagaman magkukulang ang miyembro ng senado sa pag-upo ni Cayetano sa DFA, ipinaliwanag ni Escudero na malabo ng magpatawag pa ng special elections dahil malaki ang magagastos bukod pa sa dalawang (2) taon lang ang natitirang termino ni Cayetano.
Mga militar karaniwang natatatalaga sa gabinete ng nakaupong Pangulo dahil sa malawak na karanasan
May malawak na karanasan ang militar lalo na ang mga naging heneral at Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff.
Ito, ayon kay Senador Chiz Escudero, ang dahilan kaya’t karaniwang nagtatalaga ng mga militar sa gabinete ang mga nakaupong Pangulo.
Bukod dito, inihayag ni Escudero na napaka-agang nagreretiro ang mga military general maging ang PNP officials kaya’t kadalasang nagigng opsyon ng Pangulo ang paghirang at pagtatalaga sa mga ito sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.
Ilan sa mga military general na nabigyan ng posisyon sa Duterte administration ay sina National Security Adviser Hermogenes Esperon, Acting Environment Secretary Roy Cimatu at AFP Chief of Staff Eduardo Año na itinalaga bilang Interior Secretary.
By Drew Nacino |With Report from Cely Bueno