Ikinadismaya ng liderato ng Kamara ang inihaing resolusyon ng European Parliament hinggil sa umano’y pagkontra sa malayang pamamahayag o press freedom sa bansa.
Ito ang naging tugon ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa naturang resolusyon na kumokondena sa anila’y panggigipit ng pamahalaan kay Rappler CEO Maria Ressa at sa pagpatay ng prangkisa ng ABS-CBN.
Pagdidiin pa ni Cayetano, agad na pumupuna ang pamunuan ng European parliament nang hindi man lang aniya inaalam ang tunay na estado ng bansa.
Iginiit din ni House Speaker Cayetano, pinapahalagahan ng pamahalaan ang karapatan ng malayang pamamahayag, gayundin ang pagrespeto sa magkakaibang pananaw na sumasalamin sa demokrasya ng bansa.