Tila naghugas kamay si House Speaker Alan Peter Cayetano sa usapin ng pagpapatigil ng operasyon ng ABS-CBN Network matapos mapaso ang prangkisa nito.
Binatikos din ni Cayetano ang aniya’y pang-aagaw ng National Telecommunications Commission (NTC) at Office of the Solicitor General (OSG) sa kapangyarihan ng kongreso na magkaloob ng prangkisa.
Ayon kay Cayetano, trinaydor ng NTC ang lahat matapos itong magpalabas ng cease and desist order laban sa ABS-CBN Network.
BASAHIN: House Speaker Alan Peter Cayetano sa pag-shutdown ng broadcast operation ng ABS-CBN: pic.twitter.com/JrcEZat8yx
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) May 8, 2020
Ito ay sa kabila aniya ng pangako ng ahensiya sa pagharap nito sa legislative hearing, legal na opinyon mula sa Department of Justice (DOJ), resolution ng senado at makailang pagtitiyak sa kongreso ng pagpapalabas ng provisional authority.
Sinabi ni Cayetano, malinaw na sumuko ang NTC sa aniya’y panggigipit ni Solicitor General Jose Calida kaya ito nagpalabas ng cease and desist order.
Kaugnay nito, tiniyak ni Cayetano na gagawin ng House of Representatives ang kanilang trabaho sa pamamagitan ng pagsasagawa ng patas, masusi at komprehensibong pagdinig hinggil sa franchise renewal ng ABS-CBN.