Bukas si Taguig Representative Alan Peter Cayetano na bigyan ng pagkakataong patunayan ang kanilang kakayahan sa trabaho ng mga mambabatas na ipinalit sa kaniyang mga kaalyado.
Gaya na lamang ng kaalyado nitong sina Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor at Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado na inalis bilang Committee Chair on Public Accounts and on Good Government at Public Accountability matapos ang pagkakaluklok ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco bilang Speaker.
Ayon kay Cayetano, involved ang naturang mga komite sa maraming imbestigasyon hinggil sa nangyayaring mga kurapsyon sa gobyerno.
Kaya naman naniniwala siya sa kakayahan nina Defensor at Alvarado dahil walang kinatatakutan aniya ang mga mambabatas na ito kahit malalaking negosyante pa ang masangkot.
Gayunman, magandang bigyan din naman ng pagkakataon ang ipinalit sa kanila at tingnan sa susunod na taon kung maganda ang magiging takbo ng mga gagawing imbestigasyon hinggil sa isyu ng mga katiwalian.
Ngunit kung mabibigo aniya ang mga ito, ipinaalala ni Cayetano na mismo si Pangulong Rodrigo Duterte ay galit sa kurapsyon dahilan para ito ay ihayag.