Binasag na ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang kanilang katahimikan sa ilang mga usapin sa bansa kabilang na ang mga patutsada ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Simbahan.
Sa kailang ipinalabas na pastoral letter matapos ang tatlong araw na pagpupulong, humingi ng paumanhin ang CBCP sa kanilang matagal na pananahimik.
Ayon sa CBCP, maging sila ay kinailangan din ng panahon at tamang paggabay sa pamamagitan ng dasal at ispirituwal na pang-unawa bago mabigyan ng patnubay ang mga miyembro ng Simbahan at mananampalatayang Katoliko.
Bagama’t hindi direktang binanggit ang Pangulo, binigyang diin ng CBCP na hindi bahagi ng freedom of expression ang pang-iinsulto sa pananampalataya o relihiyon ng iba.
Dagdag ng mga obispo, patuloy pa rin nilang nirerespeto ang pananampalataya ng bawat isa, maging ng mga dating Katoliko.
Kasabay nito, kinikilala rin ng CBCP na hindi isang perpektong institusyon ang Simbahang Katolika at nahaharap din mismo sa mga pagkakamali at kabiguan ang mga obispo at pari.
Hindi tutol sa ‘war on drugs’
Nilinaw ng CBCP na wala silang intensyong pakialaman ang pamamalakad ng administrasyon lalu na kampanya nito kontra droga.
Sa kanilang pastoral letter, iginiit ng CBCP na kanilang nirerespeto ang tungkulin ng pamahalaan na panatilihin ang katahimikan at kaayusan sa bansa at protektahan ang mga mamamayan mula sa mga kriminal.
Kanila rin anilang kinikilala ang pagiging banta sa komunidad ng iligal na droga.
Gayunman, binigyang diin ng CBCP na kinailangan na nilang magsalita at kumilos nang maging kapuna-punang karamihan sa mga napapatay sa war on drugs ay mga pawang mahihirap at maliliit na drug users at pushers habang nananatiling malaya ang mga bigtime drug lords at smugglers.
Kasabay nito, hinimok din ng mga obispo ang mga mambabatas na muling pag-isipan ang panukalang pababain ang minimum age of criminal liability.
—-