Hinimok ng Simbahang Katolika ang gobyerno na magpasaklolo na sa ibang bansa para kaagad makabangon ang mga nasalanta ng mga nakalipas na bagyo sa Cagayan, Bicol Region at iba pang lugar.
Ayon kay Father Antonio Labioa, executive director ng Caritas, hindi kayang mag-isa ng bansa na tulungan ang mga nasalanta ng bagyo kaya’t dapat na humingi ng tulong mula sa ibang bansa.
Patuloy din aniya ang ginagawa nilang rescue effort sa pamamagitan nang paghingi ng tulong sa bawat Diocese para maibigay sa mga nasalanta ng bagyo lalo na’t lahat ng simbahan sa Tuguegarao ay napinsala ng Bagyong Ulysses.
Nagpasalamat din ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kay Pope Francis dahil sa pakikiramay at pagpapaabot ng dasal sa mga nasalanta ng bagyo na ginawa nito sa kaniyang Angelus address noong linggo sa solidarity sa Southeast Asian Nation.
Ipinagdasal din ng Santo Papa ang mga nagbibigay ng tulong para kaagad makabangon ang mga nasalanta ng bagyo.