Ikinatuwa ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang pagiging bukas ng pamahalaan sa mga Ukrainian na nais lumikas sa Pilipinas.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, vice chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI), suportado nila ang plano ng gobyerno na tanggapin ang mga dayuhan sa gitna ng pananakop ng Russian Military Forces.
Sinabi ni Santos, na isa itong positibong hakbang ng Pilipinas sa sangkatauhan makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order no. 163 na naglalayong magbigay ng proteksyon at tulong sa mga refugee na apektado ng giyera ng dalawang bansa.
Samantala, kasabay ng nagpapatuloy na sagupaan sa dalawang nabanggit na bansa, nagpapatuloy din sa panalangin ang Pilipinas upang matigil na ang giyera at pananakop ng Russia sa Ukraine. —sa panulat ni Angelica Doctolero