Huwag magbigay ng limos sa lansangan.
Ito ang payo ni Father Jerome Secillano, Executive Secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) – Permanent Committee on Public Affairs sa mga nagdadalawang isip magbigay ng limos.
Ayon kay Secillano, hindi tiyak na napupunta sa mabubuting kamay o nagagamit sa tamang paraan ang mga inililimos sa mga lansangan.
Giit ni Secillano, mas mainam na direktang ibigay na lamang ito bilang donasyon sa mga charitable institutions upang mas maging tiyak na may maganda itong kahihinatnan.
Una nang binigyang – diin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may batas na mahigpit na nagbabawal sa pagbibigay ng limos sa mga pulubi sa dahilang may tamang paraan ng pagtulong sa mga iyon.
Payo ng DSWD sa publiko, ipagbigay – alam lamang sa kanila kung saan maraming nanlilimos upang madala agad nila ang mga ito sa mga institusyong kumakalinga sa mga tulad nila.